Ipinagpaliban ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng impounding ng e-bikes, e-trikes, at iba pang light electric vehicles o LEVs na bumabagtas sa mga national highway. Mula sa orihinal na schedule na December 1, 2025, ililipat ang enforcement sa January 2, 2026.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao sa isang video statement, kailangan ng ahensya ng karagdagang panahon upang maglunsad ng malawakang information campaign at maglabas ng updated guidelines hinggil sa paggamit ng LEVs sa mga pangunahing kalsada.
Ipinaliwanag ni Lacanilao na may malinaw na legal authority ang LTO na magpatupad ng traffic laws at, kung kinakailangan, mag-impound ng mga sasakyan, kabilang ang LEVs, kapag lumalabag ang mga ito sa batas.
Tinukoy din niya na mali ang pananaw na kapag exempted sa registration ang LEVs ay wala nang kapangyarihan ang LTO.
Ayon sa paliwanag ng LTO, pinapayagan ang LEVs sa local at secondary roads depende sa ordinansa ng LGU; sa bike lanes para sa low-speed at lightweight LEVs kung aprubado ng LGU; at sa loob ng subdivisions, private roads, at private compounds. Pinapayagan din ang pagtawid sa national highway bilang bahagi ng normal na daloy ng trapiko.
Simula December 1, 2025, magiging visible sa mga pangunahing kalsada ang LTO enforcers para magsagawa ng information drive. Pagsapit ng January 2, 2026, sisimulan ang mahigpit na enforcement laban sa mga lalabag sa pagbabawal sa national highway.
Nagbigay din ng paglilinaw si Atty. Claire Castro tungkol sa pagpapatupad ng regulasyon sa e-bikes at e-trikes batay sa umiiral na batas.

