Nilinaw ng mga awtoridad na pinahihintulutan pa rin ang paggamit ng e-bikes at nananatili itong mahalagang alternatibong transportasyon para sa publiko, lalo na sa mga komunidad at residential areas.
Ayon kay Sherwin Mark Donesa, Law Enforcer ng Land Transportation – Cabanatuan, ang umiiral na alituntunin ay hindi pagbabawal kundi regulasyon, upang masiguro ang kaligtasan ng mga gumagamit at ng iba pang motorista.
Paglilinaw nito, na ang e-bikes ay itinakdang gamitin sa barangay roads, interior roads, at loob ng mga subdivision, kung saan angkop ang bilis at daloy ng trapiko.
Ipinaliwanag din na pinapayagan ang pagtawid ng e-bikes sa national roads, subalit mahigpit na ipinagbabawal ang tuluy-tuloy na pagbiyahe o pag-cruise sa national at provincial highways dahil sa posibleng panganib at pagsisikip ng trapiko.
Samantala, patuloy na pinag-aaralan ng central office ang panukalang pagpaparehistro at paglalagay ng plaka sa mga high-speed e-bikes, partikular ang may kakayahang lumampas sa 50 kilometro kada oras.
Tiniyak ng pamahalaan na kung maisasakatuparan ito, minimal at makatao ang magiging gastos para sa mga gumagamit.
Habang hinihintay ang pinal na implementing rules and regulations, patuloy muna ang information dissemination ng mga law enforcers sa mga lalawigan upang maipabatid sa publiko ang tamang saklaw at paggamit ng e-bikes.
Ayon kay Sherwin Mark Donesa ng Land Transportation Office – Cabanatuan, layunin ng mga patakaran na balansehin ang mobility at kaligtasan sa kalsada, hindi hadlangan ang kabuhayan at pang-araw-araw na biyahe ng mamamayan

