EAST CLUSTER, KAMPEON SA LANTERN COMPETITION SA SAN JOSE CITY

Punong-puno ng liwanag at saya ang San Jose City, Nueva Ecija nang idinaos ang Lantern Competition noong December 9, 2024 bilang bahagi ng selebrasyon ng Pasko.

Ang patimpalak ay nilahukan ng mga mag-aaral mula sa siyam na clusters sa buong lungsod, kung saan ang bawat cluster ay binubuo ng lima hanggang anim na paaralan.

Ipinamalas ng bawat kalahok ang kanilang husay at pagkamalikhain sa paggawa ng parol gamit ang mga recycled materials.

Ayon kay Vice Mayor Ali Salvador, layunin ng lokal na pamahalaan ng San Jose City na iparamdam ang diwa ng Pasko sa bawat San Joseño, kaya bukod sa lantern competition, nagkaroon din ng chorale competition at iba’t-ibang Christmas decorations na nagpapaliwanag sa buong lungsod.

Samantala, hindi naman maitago ang saya ng East Cluster na binubuo ng mga mag-aaral mula sa Bacalat Elementary School, Culaylay Elementary School, Kaliwanagan Elementary School, San Jose East Central School, Tumana Elementary School, at Kaliwanagan National High School nang sila ang tanghaling panalo sa kompetisyon.

Ang kanilang obra na pinangalanang “Aninag,” ay mayroong disenyong ‘infinity mirror’ na sumisimbolo na ang bawat San Joseño ay isa sa liwanag ng Pasko sa buong lungsod.