EDITED NEWS WITH ERRATUM: BABALA! SENSITIBONG BALITA:
KARARATING NA OFW, PINAGSASAKSAK NG ASAWA SA HARAP NG MGA ANAK
Bagong pag-asa sana ang dala ni Zynnel Joy Pagaling, 34, isang Overseas Filipino Worker (OFW) na apat na araw pa lamang mula nang makauwi sa Brgy. Bagong Barrio, Guimba mula sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ngunit ang muling pagtapak niya sa sariling bayan ay nauwi sa trahedya—isang madugong pagtatapos sa mga pangarap niyang muling makapiling ang kanyang pamilya.
Sa halip na yakap ng pagmamahal, salubong ng galit at karahasan ang kanyang natanggap mula sa mismong taong dapat ay kanyang sandigan—ang asawa niyang si Mauel Diaz-Mendoza, 40, residente ng Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Humihingi po ng paumanhin ang inyong lingkod sa pagkakamali sa pangalan ng suspek sa naunang nailathala at naipalabas na balita, kung saan nabanggit ang pangalan na “Manuel Diaz Mendoza.” Ang tamang pangalan ay Mauel Diaz Mendoza. Ang “Manuel Diaz Mendoza” at Mauel Diaz Mendoza ay magkaibang tao.
Ayon sa kwento ng ina ng biktima na si Ferly Pagaling sa panayam sa kanya ng Radyo Natin Guimba, gamit ang matalim na screwdriver na sinadyang hasain, pinagsasaksak ng suspek si Zynnel sa dibdib at tagiliran, sa harap ng kanilang mga anak na humihiyaw at nakikiusap sa kanilang ama na maawa sa kanilang ina.
Hindi lamang buhay ang nawala, kundi pati ang salaping inuwi umano ni Zynnel na aabot sa mahigit P100,000.00.
Matapos ang krimen, ayon daw sa mga kapitbahay ay may lalaking nakamotorsiklo ang namataan sa bahay ng biktima at nang puntahan ng kapatid ng biktima ang bahay ay sumambulat ang nakakalat nang gamit ng biktima at nawawala na ang wallet na naglalaman ng pera nito.
Tatlong menor de edad na anak ang naulila sa insidente, ngayon ay iniwang sugatan hindi lamang sa puso kundi sa isipan—na ang ama nilang dapat ay tagapagtanggol, ay siya pa palang magiging dahilan ng pagkawala ng kanilang ina.
Nakakulong na ngayon ang suspek na si MAUEL DIAZ MENDOZA, sa Guimba Municipal Police Station ngunit nananatiling takot ang pamilya ng biktima, nangangamba para sa kanilang seguridad habang isinisigaw ang tanging hiling, ang hustisya para kay Zynnel Joy Pagaling.

