ELJ MEMORIAL HOSPITAL, TATANGGAP NG PATIENT TRANSPORT VEHICLE MULA SA PCSO
Patuloy sa pagkakaloob ng mga Patient Transport Vehicle ang Philippine Charity Sweepstakes Office sa mga pagamutan sa lalawigan ng Nueva Ecija upang mapalakas ang kanilang kakayanan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nagkakasakit na Novo Ecijano.
Sa pamamagitan ng isang kahilingan ay tatanggap ng isang yunit ng ambulansya ang ELJ Memorial Hospital sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program ng PCSO.
Ito ay matapos na pahintulutan sa 41st Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa Deed of Donation ng PCSO para sa pagkakaloob ng naturang ambulansya.
Ayon kay Crisanta Flores, Acting Administrative Officer ng ELJ Memorial Hospital, bahagi ng mga hinihinging dokumento ng PCSO sa pagkakaloob ng ambulansya sa kanilang mga napiling benepisyaryo ang resolusyon na manggagaling sa Sangguniang Panlalawigan na nagbibigay pahintulot sa paglagda ni Governor Oyie sa Deed of Donation.
Ang Patient Transport Vehicle ay isang uri ng ambulansya na maaaring gamitin ng mga pasyenteng walang malubhang kalagayan na pangluwas o pangbyahe sa mga pagamutan.
Matatandaan na nauna na ring hinikayat ni Bokala Teresita Patiag ang mga District Hospitals sa probinsya na gumawa ng request para mapabilang sila sa maaaring mahandugan ng ambulansya.
Nauna na ring tumanggap ang Provincial Government ng Nueva Ecija ng katulad na sasakyan na nakatutulong upang lalo pang pataasin ang kapasidad ng mga pagamutan sa pagbibigay ng tulong at pagtugon sa pangangailangang medikal ng mga kababayang Novo Ecijano.

