ENTABLADO, SIMBOLO NG PAGSUSUMIKAP NG ISANG ANAK PARA SA KANYANG INA

Sa entablado ng mga beauty pageant, hindi lamang korona at karangalan ang pinipilit makamtan ni Rizaldo Nano o mas kilala bilang Zoraida Ek-ek Sanchez, 56-anyos, taga Sto. Domingo, Nueva Ecija, kundi ang pagkakataong maitaguyod ang kanyang ina na matagal nang may karamdaman.

Ibinahagi ng CLSU Collegian ang kanyang istorya na mula pa noong edad 22, naging bahagi na ng buhay ni Zoraida ang pagsali sa mga Miss Gay contest sa kanilang barangay at iba’t ibang lugar.

Ang bawat patimpalak ay hindi lamang para sa kasiyahan kundi para sa kinabukasan nilang mag-ina, lalo na’t si Opelia Nano, ang kanyang ina, ay may Alzheimer’s disease.

Upang matustusan ang kanilang pangangailangan, nagtinda ng gulay at nagsaka si Zoraida, habang ang pageantry naman ang nagsilbing pangunahing paraan upang makalikom ng dagdag na kita.

Bagama’t kadalasan ay hindi niya nakukuha ang korona, ang suporta at tulong-pinansyal mula sa mga manonood ang nagsilbing gantimpala upang maitaguyod ang kanilang pamumuhay.

Subalit hindi naging madali ang kanyang landas, dahil noong 2010, matapos umuwi mula sa isang pageant, nakaranas siya ng karahasan mula sa sariling lolo na nagtulak sa kanyang lumisan at magpalaboy-laboy sa Maynila.

Pagkalipas ng walong taon, muling nasilayan siya ng kanyang pamilya sa telebisyon nang lumahok sa segment na Miss Q & A ng “It’s Showtime.”

Mula noon, muling nakapiling ni Zoraida ang kanyang ina at siya na ang pangunahing nag-aalaga rito, kahit na nahaharap sila sa mga suliranin gaya ng lumang bahay at sirang pasilidad, patuloy siyang kumakayod at sumasali sa mga pageant sa Nueva Ecija at maging sa ibang lungsod.

Para kay Zoraida, higit pa sa anumang korona ang kanyang ipinaglalaban—ang pagmamahal at katapatan sa isang inang kailanman ay hindi niya iniwan.

Sa kabila ng kahirapan, nananatili ang entablado bilang simbolo ng kanyang pagsusumikap, sakripisyo, at pag-asa para sa kanilang mag-ina.