Aprubado na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order No.64 na magtataas ng sweldo at magbibigay ng karagdagang allowance sa mga empleyado ng gobyerno.
Sakop ng adjustment salary schedule ang lahat ng civilian government personnel sa Executive, Legislative, at Judicial branches, gayundin sa mga Constitutional Commissions and Offices, Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) na hindi sakop ng GOCC Governance Act of 2011 at Executive Order No. 150 series of 2021 at sa mga Local Government Units (LGUs). Pero ang pagpapatupad nito ay depende sa kita at kakayahan ng mga local na pamahalaan.
Sinabi ni PBBM, layon ng EO 64 na palawigin at iakma ang suweldo at benepisyong nakukuha ng mga government employee upang mapanatili ang kanilang dedikasyon, pagiging masigasig, at matatag sa pagtratrabaho.
Ipatutupad ang updated salary sa apat na tranche mula ngayong taon hanggang 2027. Ang unang tranche ay dapat nitong Enero 2024 pero gagawin itong retroactive o maaari umanong isabay sa ikalawang tranche na epektibo sa susunod na taon.
Makakatanggap din n gang mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan ng medical allowance na nagkakahalaga ng P7, 000 kada taon bilang subsidiya sa pag-avail ng health maintenance organization (HMO) o HMO-type benefits. Ang subsidiyang ito para sa medical allowance ay batay sa ipalalabas na mga kondisyon at guidelines na manggagaling sa DBM at Governance Commission for GOCCs, kung naangkop.
Pangangasiwaan naman ng Department of Budget and Management sa pangunguna ni Secretary Amenah Pangandaman ang pag-isyu ng mga polisiya upang matiyak na maisakatuparan ang nilagdaang batas ng Pangulo.

