ERC CHAIRPERSON DIMALANTA, HINAKAYAT ANG MGA KONSUMEDORES NA I-REKLAMO ANG SOBRANG TAAS NG SINGIL SA KURYENTE, DOUBLE BILLING SA CABANATUAN CITY

Inihayag ni Energy Regulatory Commission Chairperson Monalisa Dimalanta sa panayam sa kanya sa ginanap na Media Power 102 Training Program, na maaaring i-sangguni at i-reklamo sa kanila ng mga konsumedores ng Cabanatuan City ang pagtaas ng presyo ng kuryente at double billing na kanilang naranasan.

Dapat aniyang i-check ng Mabuti ng consumer ang natanggap na dalawang bills, dahil baka delayed lang ng billing ang nakaraang buwan at naabutan ng sumunod na buwan.

Gayunpaman, hinikayat din niya ang mga nagrereklamo na magpadala ng sulat sa Consumer Services Division nila sa consumer@erc.ph o dalhin mismo sa kanilang opisina upang mai-check ang naging sanhi nito.

Ngunit, binigyang diin ni Dimalanta na kada tatlumpong araw lang talaga dapat dumating ang bill sa kuryente at hindi kada dalawampong araw lang.

Sa forum ay itinanong sa kanya kung pwedeng may ibang kooperatiba o kompanyang pumasok sa isang lugar na mayroong iisang distribution utility tulad ng CELCOR o Cabanatuan Electric Corporation, sagot nito na ang kongreso ang magdedesisyon at mag-aapruba para dito.

Idinulog din kay ERC Chairperson Dimalanta ang biglaan at sobrang taas ng singil sa kuryente na idinadaing sa kasalukuyan ng mga Cabanatueño.

Tugon niya, na ang CELCOR ay isa sa top 3 utilities as of June, 2024 na 100 percent WESM expose kaya kung magkano umano ang itinakdang presyo sa merkado ay siyang ipapataw sa mga consumers.

Dagdag ni Dimalanta, marahil kaya mataas ang halaga ng kuryente sa Cabanatuan ay dahil mahal din ang pinagkukunan ng supply nito.