ESCALATOR NA MAY LIMANG HAKBANG, NAGING TOURIST ATTRACTION SA ISANG DEPARTMENT STORE
Kinilala ng Guinness World Records ang isang escalator na may limang hakbang lamang at may taas na 2.57 feet o sukat na 32.8 inches, na tinawag na puchicalator, bilang pinakamaikling escalator sa buong mundo.
Karaniwang ginagamit ang escalator upang madaling makaakyat at makababa sa mga palapag ng isang gusali o mall nang hindi napapagod, sa halip na gumamit ng hagdan.
Ngunit ang escalator na ito, matatagpuan sa basement ng Okadaya More’s Department Store sa siyudad ng Kawasaki, Japan, ay kakaiba sa lahat ng aspeto, kaya’t naging sentro ng atensyon ng mga turista.
Sa kabila ng kanyang kakaibang haba, ang puchicalator ay nagdulot ng maraming katanungan, kung gagamit pa ba nito o hindi na at bakit nga ba ito inilagay sa isang department store?
Bagamat hindi ito isang malaki o praktikal na tekonolohiyang hakbang, naging isang atraksyon ito sa Okadaya More’s, na dinarayo ng mga turista upang maranasan ang kakaibang escalator.
Itinatag noong 1989, ang More’s Department Store ay nilayon ng mga designer na ikonekta ang underground level ng kanilang building sa katabing Azalea Underground Shopping Center.
Dahil hindi naging perpekto ang alignment, nagdesisyon silang maglagay ng conventional stairs at escalator, ngunit sa kabila ng plano, napansin nila na may malaking concrete beam na nakaharang, kung saan dapat ilagay ang motor ng escalator.
Sa halip na baguhin ang buong disenyo, pinili ng mga designer na paikliin na lamang ang escalator upang mapanatili ang plano.
Noong 2016, ang escalator ay ginawa bilang upward escalator at nananatiling hawak nito ang titulo ng Guinness World Records bilang pinakamaliit na escalator sa mundo, isang titulo na tinamo nito ng mahigit 30 taon.

