ESTUDYANTE SA TARLAC, PINARANGALAN ANG GUWARDIYANG NAGING HALIGI NG KANILANG PAARALAN SA GRADUATION CEREMONY
Viral ngayon sa social media ang ginawang nakaaantig-pusong pagkilala ng dalawang estudyante sa kanilang gwardiya sa araw mismo ng kanilang pagtatapos.
Sa kalagitnaan ng graduation ceremony ng Tarlac Montessori School noong Abril 22, 2025, habang inaawit ng mga nagsisipagtapos ang awiting “Salamat” ni Yeng Constantino bilang pamamaalam, biglang bumaba sa entablado ang senior high school graduates na sina Luis Zarate Sawit at Josh Pinlac.
Inakala pa nung una ng tiyahin ni Luis na kailangan lamang nitong magbanyo, ngunit naantig ito nang matuklasan ang espesyal nilang layunin, ang hanapin at isama sa entablado ang isang taong matagal nang naging tahimik na saksi at tagapangalaga ng kanilang paglalakbay sa paaralan, ang gwardiyang si Hilario “Manong Dario” Tobilla.
Si Manong Dario ay nagsilbi bilang security guard sa Tarlac Montessori School sa loob ng mahigit tatlog dekada at nakatakdang magretiro ngayong taon.
Ayon sa tiyahin ni Luis na si Charlene Sawit Esguerra, wala sa plano ang ginawang pagkilos ng kanyang pamangkin, ngunit hindi siya nagulat sa ipinakitang kabutihang-loob nito.
Sa isang mahabang caption sa Instagram post ni Charlene, inilarawan niya si Luis bilang isang “old-fashioned gentleman” na may malasakit sa pamilya, may disiplina, at likas na maunawain, mga katangiang aniya’y ipinamalas din nito sa entablado nang iangat nila ang halaga ni Manong Dario sa harap ng mga guro, magulang, at kapwa mag-aaral.
Ginanap ang seremonya sa Kaisa Convention Hall sa Tarlac City, kung saan nasaksihan ng daan-daang panauhin ang di inaasahang tagpo.
Ang naturang video ay umani na ng mahigit 6.5 milyong views sa Instagram, at umani ng papuri mula sa netizens na naantig sa kabutihang ipinamalas ng dalawang Kabataan at paghanga kay Mang Dario.

