FACTORY WORKER, NAGTAPOS BILANG MAGNA CUM LAUDE; PAMILYA, INSPIRASYON SA LIKOD NG TAGUMPAY
Mula sa pagod ng production floor hanggang sa entablado ng pagtatapos, pinatunayan ng 25-anyos na si Kenneth Calma, empleyado ng Mekeni Food Corporation, na walang imposible sa taong may pangarap at determinasyon.
Nitong August 12, 2025, nagtapos siya bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Elementary Education sa Pampanga State University — isang tagumpay na bunga ng sakripisyo, pagpupursigi, at pagmamahal sa pamilya.
Lumaki si Kenneth sa Barangay Balubad, Porac, sa pamilya nina Rosito at Reyna Calma, isang barangay tanod at maybahay.
Sa siyam na magkakapatid, hindi naging madali ang buhay nila, ngunit hindi kailanman nawala ang pag-asa, upang makatulong, nagtatrabaho ang kaniyang mga kapatid sa Mekeni, bilang mga house boy, crew, at warehouse staff.
Habang nasa senior high school pa lamang, nagsimulang magtrabaho si Kenneth bilang on-call worker — naglilinis ng bodega, nagbubuhat ng produkto, at gumagawa ng anumang trabaho upang makatulong sa pamilya at sa kabila ng hirap, pinanghawakan niya ang pangarap na makapagtapos.
Noong 2020, naging regular na empleyado siya ng Mekeni bilang checker sa packaging section, ngunit dahil sa pandemya, kinailangan niyang magbitiw sa trabaho noong 2021 upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa Don Honorio Ventura State University (ngayon ay Pampanga State University).
Sa kabila ng pagiging working student, bumalik siya sa Mekeni noong 2023 bilang production worker, pinagsasabay ang pagtatrabaho mula 6:00 PM hanggang 2:30 AM at pagpasok sa klase tuwing 7:00 AM hanggang 4:00 PM.
Lubos ang pasasalamat ni Kenneth sa Mekeni na naging malaking bahagi ng kanyang paglalakbay, aniya kung wala ang Mekeni, baka hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral kaya tinatanaw niya itong malaking utang na loob sa kompanya.
Sa pagtatapos ng kanyang pag-aaral, hindi lamang diploma at medalya ang bitbit ni Kenneth, kundi inspirasyong magpapatuloy sa bawat kabataang Pilipinong nangangarap.

