FAMILY PICTURE NA GAWA NG AI, NAGPAIYAK NG ISANG INA SA STA. ROSA, NUEVA ECIJA
Umantig sa puso ng marami ang isang video sa TikTok kung saan binigyan ng isang anak na si Tanyeyy ang kanyang ina ng isang espesyal na surpresa—isang family picture na nilikha gamit ang artificial intelligence (AI).
Ayon sa caption ni Tanyeyy, 15 taon nang wala ang kanyang ama, ngunit patuloy pa rin itong naaalala ng kanyang ina.
Nangako umano siya na babawi balang araw, at sa ngayon, ang munting alay na kaya niyang ibigay ay ang larawan ng kanilang pamilya na buo muli sa pamamagitan ng teknolohiya.
Makikita sa video na tinawag ni Tanyeyy ang kanyang ina upang buksan ang nakabalot na tila kahon lamang, ngunit nang mabuksan ito at tumambad ang family picture, hindi napigilang maluha ng kanyang ina.
Marami ang naantig sa naturang video at nagbahagi ng kani-kanilang karanasan.
May mga netizen na nagsabing kahit kumpleto pa ang kanilang pamilya, wala silang naitatagong family picture.
Ang ilan naman ay nakaramdam ng matinding lungkot dahil tulad ni Tanyeyy, pumanaw na rin ang kanilang ama.
Isang komento ang nagsabi: “It may be AI-made, but the healing it brings is real. This is so touching.” Habang isa pang netizen ang nagpahayag: “This is how we should be using AI.”
Marami ring nagkomento na sa tulong ng AI, posible palang makita at maramdaman muli sa larawan ang presensya ng mga nawalang mahal sa buhay.
May isang netizen ding nagmagandang-loob na sagutin ang frame ng larawan, bagay na labis na ipinagpasalamat ng pamilya.
Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit kalahating milyong views, 50,000 reactions, at higit 1,000 shares ang naturang video sa Tiktok.

