FARM BOY MULA BONGABON, WAGI SA MR. FRIENDSHIP INTERNATIONAL PHILIPPINES ICON 2025

Mula sa simpleng pamumuhay sa kabukiran sa Bayan ng Bongabon, Nueva Ecija, isang simpleng binatang magsasaka ang ngayon ay kinikilala bilang Mr. Friendship International Philippines Icon 2025.

Si Jericho Delos Santos, itinanghal bilang pambansang kampeon sa nasabing kompetisyon na ginanap sa Angeles City, Pampanga noong August 29, 2025, nakamit din niya ang mga awards bilang Face of LEMFI, Best in Arrival Attire, at Nueve Ambassador.

Sa naturang patimpalak, 25 kandidato mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa ang nagtagisan ng galing, talino, at personalidad, ayon kay Jericho, ang mga nagwagi sa kompetisyong ito ay may pagkakataong makipagsabayan sa mga international pageants sa Thailand, India, at China.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Jericho na sa kabila ng pagiging mahiyain at introvert ay nakumbinsi siyang lumahok sa mga pageant noong siya ay nasa high school pa lamang.

Dahil dito, natuklasan niya ang mundo ng pageantry at kalaunan ay nanalo rin sa ilang lokal na paligsahan, kabilang ang patimpalak sa NEUST Atate Campus kung saan siya nagtapos ng Bachelor of Science in Information Technology (BSIT).

Ngunit sa likod ng tagumpay na ito ay isang kuwento ng pagbangon at determinasyon, ayon kay Jericho, labis siyang naapektuhan ng kanyang mga insecurities.

Hindi rin naging madali para sa kanya ang paghubog ng katawan para sa kompetisyon, mula sa 100 kilos, bumaba siya sa 77 kilos, bunga ng disiplina, pagda-diet, at araw-araw na pag-eehersisyo.

Sa tulong ng Team Lonix Production nina Mami Loy Perez at Tito Junix Buñales, patuloy na nahasa si Jericho sa mga training sa pasarela at communication skills.

Bukod sa kanyang pageant career, patuloy pa rin siyang tumutulong sa kanilang pamilya sa bukirin.

Ngayon, handa na si Jericho kung mabigyan ng pagkakataong irepresenta ang Pilipinas sa international pageants dahil nais niyang maging proud sa kanya ang kanyang mga kababayan sa Nueva Ecija at kapwa Pilipino.

Bilang mensahe sa mga kabataan, hinikayat niya ang lahat na huwag matakot sa pagharap sa mga hamon ng buhay at nagbigay din ng paalala sa mga taong pumupuna sa kakulangan ng iba.

Si Jericho ay maaari ring mapanood sa kanyang music video na “Simpleng Tulad Mo” na siyang naging trademark song niya at naging dahilan para mas makilala siya ng publiko na nakapost sa kanyang Facebook account.