Nagbabala ang Food and Drug Administration o FDA laban sa mga pekeng gamot na nagkalat sa mga pamilihan.

Sinabi ng FDA na mayroong 6 na pekeng bersyon ng gamot na kinabibilangan ng Kremil-S, Alaxan FR, Biogesic, Bioflu at Tuseran Forte ang nabibili umano ng over-the-counter.

Upang hindi mabiktima ng mga pekeng gamot, pinayuhan ng ahensiya ang publiko na bumili na lamang sa mga lisensyadong botika o lehitimong mga pharmacy para hindi makapagdulot ng panganib sa kalusugan at pinsala sa mga gagamit nito.

Binalaan din ng kagawaran ang mga establisimyento na huwag magbenta ng mga pekeng gamot na nabanggit.

Ayon sa FDA, ang importasyon, pagbebenta at pamamahagi ng mga ito ay direktang paglabag sa Republic Act No. 9711 o the Food and Drug Administration Act of 2009, at Republic Act No. 8203 o the Special Law on Counterfeit Drugs kung saan ang sinumang mapatunayang nagbebenta ng naturang pekeng produkto ay mapaparusahan.

Hiniling din ng kagawaran sa lahat ng Local Government Units at Law Enforcement Agencies na tiyaking ang mga pekeng produktong ito ay hindi maibebenta o magagamit sa kanilang mga nasasakupan gayudin sa mga consumers na suriing mabuti ang mga binibili o iniinom na produkto.