Magkatuwang ang Food and Drug Administraton at Bureau of Internal Revenue para maibaba ang presyo ng gamot para sa mga senior citizen sa pamamagitan ng exemption sa Value Added Tax sa mga piling gamot.
Sinabi ni FDA Director General Samuel Zacate, ito ay nasa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) o ang Republic Act No. 11534 na nagbibigay ng VAT exemption sa ilang mga gamot para sa hypertension, cancer, mental illnesses, tuberculosis, kidney diseases, diabetes, high cholesterol, pati na rin ang mga gamot sa COVID 19 at mga medical device.
Alinsunod sa RA 11534, ang FDA ang tutukoy sa mga gamot na eligible sa VAT exemptions at isusumite ng tanggapan ang listahan sa BIR para sa implementasyon.
Una na dito ay ipinagutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa FDA na magpatupad ng 20 porsyentong discount at VAT exemption sa mga lolo at lola na may mga maintenance sa ilalim ng RA 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010.

