BABALA SENSITIBONG BALITA:
FILIPINO-CHINESE COMMUNITY MULING NABAHALA SA SUNOD SUNOD NA KASO NG KIDNAP FOR RANSOM
Naglabas ng bagong datos ang Philippine National Police kaugnay sa mga insidente ng kidnapping sa bansa. Ayon sa PNP, nakapagtala sila ng 13 kidnapping cases ngayong 2025. Sa mga ito, walo ang kinasasangkutan ng mga Chinese nationals bilang mga biktima.
Dahil dito, muling nabahala ang Filipino-Chinese community, kaugnay ng mga sunod-sunod na insidente ng kidnapping. Kabilang na rito ang kaso ng pagdukot at pagpatay kay Anson Que, isang Filipino-Chinese businessman, at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo.
Ayon sa pulisya, ang pangunahing suspek ay si David Tan Liao, isang Chinese national na kilala sa iba’t ibang alyas. Batay sa imbestigasyon, si Liao ang nagplano, nag-recruit, at nagbayad ng mga lokal na henchmen upang isagawa ang krimen.
Huling nakita sina Anson Que at ang kanyang driver noong March 29, sa Parañaque, habang patungo sa isang business meeting. Makalipas ang labing-isang araw, natagpuan ang kanilang mga bangkay sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal
Batay sa autopsy ng PNP Forensic Group, nasawi ang dalawa dahil sa pagkakasakal na nagdulot ng asphyxia. Bagamat naibigay ng pamilya ang ransom na umabot sa 210 milyon pesos, hindi pa rin pinalaya ang mga biktima.
Dagdag pa ng PNP, si Liao ay sangkot din umano sa lima pang kaso ng kidnapping mula 2022 hanggang 2025. Kabilang dito ang mga insidente sa Muntinlupa, Pasay, at Parañaque. Lahat ng biktima, ayon sa pulisya ay may kaugnayan kay Liao sa negosyo.
Itinanggi naman ng pamilya Que ang anumang koneksyon ni Anson sa POGO operations, isa sa mga anggulong patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Bilang tugon sa sunod-sunod na kaso ng kidnapping cases sa bansa, inihayag ng Department of Justice noong Aprill 11 ang pagbuo ng inter-agency task force na binubuo ng DOJ, NBI, at PNP. Layunin ng grupo na mapabilis ang imbestigasyon at mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya upang masugpo ang mga sindikatong nasa likod ng mga krimen.

