FLOOD CONTROL PROJECTS, BINATIKOS SA GITNA NG MAHIGIT 6.2M NAAPEKTUHAN NG BAHA; DPWH AT PANGULO, KUMIKILOS
Matapos ang malawakang pagbaha na nakaapekto sa mahigit 6.2 milyong Pilipino, muling kinuwestyon ng ilang eksperto at opisyal ang integridad at epekto ng libo-libong flood control projects ng pamahalaan.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, tinatayang 1.75 milyong pamilya mula sa 16 rehiyon ang naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo at habagat. Pinakamatinding tinamaan ay naitala sa Central Luzon, kung saan umabot sa 2.6 milyon katao ang apektado at humigit-kumulang P3.7 bilyon ang pinsala sa imprastruktura.
Binigyang-diin naman ni political analyst Ronald Llamas ang umano’y kakulangan sa tunay na epekto ng mga flood control project sa kabila ng dami nito. Aniya, tila naging “gatasan” ang pondo para sa mga proyektong ito, imbes na maging solusyon sa matagal nang problema sa pagbaha.
Dagdag pa ni Llamas, mas binibigyang-prayoridad pa umano ang pondo para sa flood control kaysa sa edukasyon bagay na, ayon sa kanya, ay hindi dapat kinokompromiso.
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), tinuligsa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang estado ng ilang flood control projects, at iniutos ang imbestigasyon kaugnay ng posibleng korapsyon.
Kasunod nito, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na handa silang magsumite ng listahan ng mga flood control project sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Aminado rin si Bonoan na pag-upo ng administrasyon ay naabutan nila ang malaki at matagal nang kakulangan sa flood control. May ilang proyektong “hastily prepared” o minadali ang paghahanda, ngunit tiniyak niyang naka-monitor ang DPWH sa lahat ng proyekto.
Sinabi rin ni Bonoan na lahat ng proyekto ay sumasailalim sa audit bago ito tanggapin ng gobyerno. May warranty period umano ang bawat proyekto, at sakaling may diperensya ay maaaring ipag-utos sa kontraktor ang pagkukumpuni.
Samantala, iminungkahi ni Senador Panfilo Lacson ang pagbuo ng isang independent body upang magsagawa ng hiwalay na audit at imbestigasyon sa mga flood control project. Giit niya, hindi na dapat palaging climate change ang itinuturo, dahil maraming aspeto ng pagbaha ay “self-inflicted.”

