FOOD DELIVERY RIDERS, KAYOD-MARINO KAHIT MAY TAPYAS PRESYO SA GASOLINA

Ipinatutupad sa magkakahiwalay na kumpanya ng produktong petrolyo ang tapyas presyo sa kada/litro ng gasolina, diesel, at kerosene simula kahapon July 8, 2025.

May bawas presyo na P0.70 centavos sa kada litro ng gasolina; P0.10 centavos sa diesel; at P0.80 centavos sa kerosene.

Dito sa Cabanatuan City, Caltex Gasoline Station, ang presyo ng kada/litro ng Diesel ay pumapatak sa P63.59; P66.09 sa Silver; at P69.09 sa Platinum.

Habang, sa JETTI gasoline station, ang presyo ng Diesel Master ay nasa P49.65; P48.85 sa ACCEL RATE; at P49.45 sa JX Premium.

Samantala, sa EURO5 Gasoline Station, ang presyo sa kada/litro ng EURO5 diesel ay nasa P50.55; P50.85 sa EURO5 GAS 91; at P52.85 naman sa EURO5 GAS 95.

Bagaman may mga pagkakataong bumababa ang presyo ng petrolyo, patuloy na naapektuhan ang mga food delivery riders ng mataas na presyo ng gasolina. Simula umaga hanggang gabi, kayod-marino ang mga riders upang itaguyod ang kanilang mga pamilya.

Ayon sa ilang riders na aming nakapanayam, doble ang kanilang gastos dahil bukod sa sipag at tiyaga na kanilang puhunan, namumuhunan rin sila ng pera para sa gasolina, motorsiklo, at internet/data para sa pagtanggap ng mga orders.

Kaya sabi nina Reymundo Valdez Jr. at Mark Binuya, malaki ang nawawalang kita sa kanila sa tuwing tumataas ang presyo ng gasolina dahil tumataas din ang presyo ng pangunahing bilihin tulad ng pagkain.