Nakatakdang ganapin sa Hulyo ang full implementation ng ‘Food Stamp Program’ ng gobyerno sa buong Pilipinas, makalipas ang anim na buwan ng matagumpay na pilot implementation nito sa ilang bahagi ng bansa.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Executive Order No. 44 upang itatag ang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program, na flagship program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Layunin ng programa na bawasan ang kagutuman sa bansa, partikular na sa mga low-income households, sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na matatanggap ng mga itinuturing na food-poor families.

Ang EBT cards ay kanilang magagamit upang makabili ng masusustansyang pagkain mula sa eligible partner merchant stores.

Sa isang press briefing ay sinabi ni DSWD Undersecretary Edu Punay na ipatutupad ang programa sa 10 rehiyon at 12 probinsya na inaasahang makatutulong sa initial target nitong 300,000 na pamilya.

Ang Food Stamp Program ay hindi lamang panandaliang solusyon, dahil hinihikayat din nito ang mga benepisyaryo na magtrabaho upang magkaroon ng sariling kakayahan na makapagbigay ng pagkain para sa kani-kanilang pamilya.