FUN RUN PARA SA MGA KAWANI NA SUMASAILALIM SA CHEMOTHERAPY AT DIALYSIS, INILUNSAD NG CSC NUEVA ECIJA
Nagsagawa ang Civil Service Commission (CSC) ng Nueva Ecija ng “RACE to Serve – Color X Bubble Run” bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-124 na anibersaryo ng Philippine Civil Service.
Ayon kay CSC Provincial Director Eleanor Prado, layunin ng aktibidad na ito na makatulong sa mga kawani ng CSC na kasalukuyang sumasailalim sa chemotherapy at dialysis.
Tinatayang 1,555 na kalahok, kabilang ang mga empleyado ng gobyerno, kanilang mga kaibigan at pamilya, ang nakiisa sa pagtakbo.
Kabilang sa mga nakiisa si Vice Governor Doc. Anthony Umali, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng Civil Service at nagbigay inspirasyon din sa mga empleyado upang lalo pang pagbutihin ang kanilang serbisyo sa publiko.
Nagpasalamat naman ang mga kalahok sa Kapitolyo para sa pagkakaroon ng ganitong uri ng programa, dahil bukod sa nagbigay ito ng kasiyahan, nagkaroon din umano sila ng pagkakataon na magkaisa at makatulong sa kanilang kapwa kawani ng pamahalaan na nangangailangan ng medikal na tulong.

