GABAY SA PAGBABALIK ESKWELA PARA SA SY 2024-2025, INILABAS NA NG DEPED

Inilabas na ng Department of Education ang guidelines para sa pagsasagawa ng mga aktibidad para sa school year 2024-2025.

Ayon sa Department Order 009 series of 2024, opisyal na magbubukas ang pasukan sa July 29, 2024 at magtatapos sa April 15, 2025.

Sa ilalim ng kautusan, face to face classes pa rin ang pangunahing learning delivery modality o LDM na mahalagang papel sa pagpapagana ng malalim na pakikipag-ugnayan ng guro at mag-aaral.

Maaari pa ring ipatupad ang blended learning at full distance learning sa bisa ng Department Order 44 series of 2022. Ito ay kung sakaling magkaroon ng opisyal na deklarasyon tungkol sa pagsuspinde ng klase dahil sa sakuna o kalamidad ang mga Local Government Units, paaralan at community learning centers.

Sa ganitong sitwasyon, ang mga guro ay kailangang magbigay ng mga nakatalagang gawain o module sa pag-aaral ng mga estudyante habang sila ay nasa tahanan.

Itinakda rin ng DepEd ang Brigada Eskwela sa Hulyo 22 hanggang 27, 2024 habang magsasagawa naman ang ahensiya ng Oplan Balik Eskwela sa Hulyo 22 hanggang Agosto 2, 2024.

Upang masubaybayan ang pag-unlad ng mga mag-aaral, ang mga paaralan ay inutusan na regular na magsagawa ng formative at summative assessments batay sa mga petsang ibinigay sa department order.

Nakapaloob din sa inilabas na pamantayan na naka-iskedyul ang midyear school break sa November 25 hanggang 29 habang ang Christmas break ay magsisimula sa Disyembre 21, 2024 at magpapatuloy ang klase sa January 2, 2025. Isasagawa rin ang mga ritwal ng End-of-School-Year mula Abril 14 hanggang 15, 2025.

Maaari umanong sundin ng mga private school at state or local universities and colleges ang mga inilabas na guidelines ng DepEd.