BABALA! SENSITIBONG BALITA:
GALIT SA MAGAGANDA: LALAKI, NANAPAK NG 3 BABAE
Tatlong babae ang nagtamo ng mga pasa sa mukha sa magkakahiwalay na lugar sa Cebu City, nang walang kaabog-abog silang sapakin ng nakasalubong nilang lalaking galit daw sa magagandang babae.
Unang nabiktima ng hindi pa pinapangalanang suspek ang tatlumpo’t tatlong taong gulang na babae na naglalakad sa Barangay Cogon Ramos dakong alas sais trenta ng gabi nang bigla na lamang siyang siniko ng lalaki sa kaliwang mata nito.
Sinapak naman ng lalaki sa ilong ang ikalawang biktima niya na isang 20 anyos sa Osmeña Blvd. at sinuntok din sa kaliwang mata ang ikatlo niyang biktima na edad 22 na babae.
Ayon sa ulat, nang tanungin ang lalaki sa dahilan ng pananakit nito sa tatlo ay sinabi nitong ayaw niya sa magagandang babae dahil daw sa pagiging peke ng mga ito.
Nagkaroon naman ng trauma ang mga biktima maliban pa sa mga natamo nilang pasa at sugat mula sa lalaki na ngayon ay naaresto na ng pulisya.
Desidido naman ang tatlong babae na sampahan ng kasong multiple serious physical injuries ang suspek.

