GANDA NG PILIPINAS, NAKATANGGAP NG 8 PARANGAL SA 31ST WORLD TRAVEL AWARDS

Muling pinatunayan ng Pilipinas ang husay nito sa larangan ng turismo matapos masungkit ang walong prestihiyosong parangal sa 31st World Travel Awards Asia and Oceania 2024, kaya’t hinikayat ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga Pilipino na patuloy na itaguyod ang ganda ng Pilipinas.

Sa naganap na Manila Exhibit World Trade Center sa Pasay City, ipinakita ni Department of Tourism Secretary Christina Frasco kay Pangulong Marcos ang ilan sa mga international awards na natanggap ng Pilipinas, kabilang ang pagkilala ng World Travel Awards sa bansa bilang nangungunang destinasyon sa Asya sa iba’t-ibang kategorya, kabilang ang ‘Asia’s Leading Beach Destination,’ ‘Asia’s Leading Dive Destination,’ ‘Asia’s Leading Island Destination,’ at ‘Asia’s Leading Luxury Island Destination.’

Pinarangalan din ang Pilipinas bilang ‘Asia’s Leading Wedding Destination’ at ‘Asia’s Leading Tourist Attraction.’

Hindi lamang ang kagandahan ng kalikasan sa bansa ang binigyang-pansin, kundi maging ang matagumpay na kampanya sa turismo na naging dahilan kaya wagi rin ang bansa ng ‘Asia’s Leading Marketing Campaign Award.’

Bukod dito, nakuha rin ng Pilipinas ang ‘Transformational Leader Award in Tourism Governance,’ na nagbigay-pugay sa mga pagsusumikap ng pamahalaan partikular na ng Department of Tourism na pinangungunahan ni Secretary Christina Frasco sa pagpapalago ng industriya ng turismo sa buong bansa.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi lamang sa magagandang tanawin ng mga isla at karagatan makikita ang yaman at ganda ng Pilipinas, kundi pati na rin sa pagiging masayahin, mabuti, at mainit na pagtanggap sa bisita ng mga Pilipino.

Dagdag pa ng Pangulo, ang mga parangal na ito ay nagbibigay inspirasyon sa mga Pilipino na mas mahalin ang bansa, at ipakita sa buong mundo kung bakit dapat din itong mahalin.