GAPAN CITY DISTRICT HOSPITAL, ISA NANG DOH-ACCREDITED ANIMAL BITE TREATMENT CENTER

Isa nang ganap na Department of Health (DOH)-accredited Animal Bite Treatment Center ang Gapan City District Hospital.

Ayon kay Dr. Antonito Duque, Chief of Hospital ng Gapan City District Hospital, ang accreditation ay nangangahulugang pasado ang ospital sa mga pamantayan ng DOH para magbigay ng ligtas at epektibong paggamot sa mga biktima ng animal bite.

Dagdag pa ni Dr. Duque, ang serbisyong ito ay naging matagumpay dahil sa pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Gil Raymond “Lemon” Umali sa DOH nang malaman umano nilang mahal ang pagpapagamot ng rabies sa mga pribadong ospital.

Ipinaliwanag din ng ospital na ang bakunang Anti-Rabies Vaccine (ARB) ay tumutulong sa katawan ng tao upang makagawa ng antibodies laban sa virus, habang ang serum o immunoglobulin ay direktang itinuturok sa sugat upang agad na maagapan ang virus.

Ayon kay Chief Nurse Felipa Azarcon Soriano, ang mga pasyenteng nasa Category 3 bites, gaya ng kagat sa mukha, leeg, o multiple bites ay agad na binibigyan ng parehong ARB at serum.

Binigyang-diin ng ospital ang kahalagahan ng agarang pagresponde sa kagat ng hayop, lalo na’t ang rabies ay isang nakamamatay na sakit kapag lumabas na ang sintomas, tulad ng pagkatakot sa tubig o hangin, labis na paglalaway, pagkakumbulsyon, at pagkawala ng malay.

Payo ng mga doktor, kung makagat ng hayop ay hugasan agad ang sugat, pansamantalang ikulong at obserbahan ang hayop, at agad magtungo sa pinakamalapit na Animal Bite Treatment Center.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng Gapan City District Hospital sa Pamahalaang Panlalawigan dahil sa walang sawang suporta nito sa mga programang pangkalusugan.