GIANT LANTERN MULA PAMPANGA, IILAW NGAYONG PASKO SA AMERIKA

Ipinagmamalaki ng Lungsod ng San Fernando, Pampanga ang 18-foot-tall giant lantern na gawa nina Arvin Quiwa at ng kanyang team na itinayo sa harap ng Island Pacific supermarket sa Santa Monica, Los Angeles, California.

Ayon sa press release ng CSFP City Information Office, maingat na ipinadala mula Pilipinas at in-install sa site ang higanteng parol na binubuo ng 13 intricately designed segments.

Matapos ang ilang araw ng installation at electrical work, nakatakda itong i-unveil at sindihan sa November 22, 6:00 PM (PST).

Ayon sa City Tourism and Investment Promotions Office, ito ang pinakamalaking Fernandino lantern na naipadala sa labas ng Pilipinas.

Nabuo umano ang proyekto sa pakikipagtulungan ng City Government of San Fernando, Philippine Trade and Investment Center–LA, Island Pacific, at iba pang community partners.

Tampok ang lantern sa Paskong Pinoy BER-Kada Fiesta, o ang isang Christmas celebration na inorganisa para sa Filipino community sa Los Angeles.

Magkakaroon dito ng food at trade fair, at iba’t-ibang performances na magpapakita ng talento at kulturang Pilipino.