Nangako ang global tech giant na Google na tutulungan ang mga Filipino micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pagpapalago ng kanilang negosyo sa pamamagitan ng pagpapaigting ng online presence.

Sa naganap na pagpupulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Global Vice President, Government Affairs and Public Policy ng Google na si Karan Bhatia, sinabi nito na sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), ay ipagpapatuloy ng kanilang kompanya ang pagtulong sa MSMEs at pag-upskill sa mga ito sa digital landscape.

Nauna nang nakipagtulungan ang Google sa DTI noong inilabas ang Google Career Certificates (GCC) sa virtual campuses ng DTI na sakop ang 1,300 Negosyo Centers sa 16 rehiyon sa buong Pilipinas.

Ito ay nakapagbigay din ng tinatayang 40,000 GCC scholarships sa mga kabataang Pilipino, jobseekers, MSME entrepreneurs, at civil servants sa mga kasanayan tulad ng project management, cybersecurity, IT support, data analytics, UX design, at digital marketing.

Samantala, tinalakay ni Bhatia ang planong pagpapatupad ng programang naglalayon na sanayin ang mahigit 100,000 na kabataan at kanilang mga magulang sa ligtas at responsableng paggamit ng digital technology.

Binanggit din niya ang pagpapalawig ng kompanya at operasyon nito sa Pilipinas, na may halos 50,000 ng empleyado sa bansa simula noong 2013.