GRADE 12 STUDENT NA NANALO NG ₱20- M SA INTERNATIONAL SCIENCE COMPETITION NOONG 2017, KINUKUMUSTA NG MGA NETIZEN
Muling umani ng atensyon sa social media ang dating Grade 12 student na si Hillary Diane Andales mula Tacloban, Leyte, isang Yolanda survivor, na tinanghal na grand prize winner sa prestihiyosong Breakthrough Junior Challenge noong 2017 at nakapag-uwi ng premyong nagkakahalaga ng ₱20 milyon.
Sa post ng The Daily Sentry, ilang netizen ang nagpahayag ng saloobin na si Hillary ay hindi umano nabigyan ng sapat na tulong at pagkilala mula sa pamahalaan, sa halip, mas binigyang halaga at suporta raw siya ng mga academic institutions at ibang bansa na tumulong upang maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at pananaliksik sa larangan ng Physics at siyensya.
May ilan ding nagsabi na maraming kagaya ni Hillary sa bansa ang hindi nabibigyan ng sapat na rekognisyon at suporta, dahilan para mas makinabang ang ibang bansa sa kanilang tagumpay at talento.
Sa gitna ng mga komento, lumutang ang tanong: Nasaan na nga ba si Hillary ngayon?
Ayon sa kanyang opisyal na website, siya ay kasalukuyang PhD student sa Astronomy & Astrophysics sa University of Chicago, kung saan nagtatrabaho siya kasama si Professor Alex Ji sa larangan ng near-field cosmology.
Noong Hunyo 2023, nagtapos siya sa Massachusetts Institute of Technology (MIT) na may major sa Physics at minor sa Astronomy at Science, Technology, and Society (STS).
Kasalukuyan niyang pinag-aaralan kung paano nabuo ang mga ultra-faint dwarf galaxies, ang pinakamatanda at pinakamahihinang galaxy sa universe, gamit ang datos mula sa malalaking computer simulations.
Bukod sa akademikong gawain, naging lider din siya sa iba’t ibang organisasyon sa MIT, kabilang ang pagiging President ng MIT Society of Physics Students, Executive Officer ng MIT Undergraduate Women in Physics, at Co-Head Counselor para sa Physics Freshman Pre-Orientation Program.
Matatandaan na noong 2013, matinding tinamaan ng Bagyong Yolanda ang Leyte, at kabilang ang pamilya ni Hillary sa mga lubos na naapektuhan.
Ang pagsubok na iyon ang naging inspirasyon niya upang lalo pang magsikap at kalaunan ay talunin ang mahigit 11,000 kalahok mula sa 178 bansa sa Breakthrough Junior Challenge.
Ipinanalo niya ang kanyang proyektong “Relativity and the Equivalence of Reference Frames”, na nagbigay sa kanya ng kabuuang premyo na tinatayang nagkakahalaga ng ₱20 milyon.

