Nakarating na nga sa lalawigan ng Nueva Ecija ang sikat at kinaaaliwang si Green Soldier mula sa Baguio City, kasama si Blue Soldier at iba pang mga mime o mga mascot na nagbibigay ng aliw sa bypass road sa Sta. Ines, Cabiao, Nueva Ecija.
Binuksan ngayong taon ang bagong Peñaranda-Gapan-San Isidro-Cabiao Bypass Road na nagmistulang night market dahil sa dami ng mga nagtitinda doon at namamasyal na mga Novo Ecijano at mga turista.
Nagbibigay kasi ng magandang liwanag sa lugar ang mga poste ng solar light na kasama sa mga ipinagawa para sa mga motoristang dumaraan doon.
Dahil naging pasyalan na nga ito tuwing hapon hanggang gabi ng mga tao ay nagsulputan na rin ang iba’t ibang mime o mga performers na nagpapasaya sa mga kababayan natin.
Nariyan din ang mga mascot nina Mickey Mouse at iba pang mga karakter na nagpapabalik sa pagkabata sa mga dumarayo doon dahil kapag punta mo nga roon ay hindi mo maiiwasang magpapicture sa kanila.
Ang Bypass Road na ito ay proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija na sinimulan noong termino ni dating Governor Czarina “Cherry” Umali na ipinagpatuloy at tinapos sa panunungkulan ni Governor Aurelio Umali.
Ito ay katugunan ng provincial government sa mahigpit na trapiko sa lugar na ngayon ay hindi lamang ginhawa sa byahe ang hatid kundi oportunidad para sa mga nagnanais maghanap-buhay at kasiyahan na rin sa mga mamamayan.

