GSIS, NAGPATUPAD NG 3-BUWANG PALUGIT SA BAYAD-LOAN PARA SA MGA MEMBERS AT PENSIONERS NA NASALANTA NG BAGYO

Magpapatupad ng tatlong buwang palugit o grace period sa pagbabayad ng emergency loan ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa lahat ng miyembro at pensioner na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo, kabilang ang Bagyong Tino at Super Typhoon Uwan.

Ang hakbang na ito ay tugon sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng state of calamity sa buong bansa upang mapabilis ang pagbangon ng mga lugar na labis na naapektuhan ng kalamidad.

Ayon sa GSIS, layunin ng programa na mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga apektadong miyembro at pensioner habang unti-unting bumabangon mula sa pinsalang dulot ng bagyo. Sa loob ng tatlong buwang palugit, hindi muna sisingilin ang loan payments upang mabigyan ng pagkakataon ang mga benepisyaryo na makarekober at makapagsimula muli.

Sa panig ng GSIS Cabanatuan City Branch, sinabi ni Branch Manager Ma. Liberty C. Abanilla na malaking tulong ang programang ito sa mga empleyado ng pamahalaan at pensioner sa rehiyon na labis na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Dagdag pa ni Abanilla, hindi kailangang magpakita ng ebidensya ng pinsala gaya ng binahang bahay o nasirang ari-arian upang makapag-apply sa emergency loan, ngunit may mga partikular na requirement na kailangang isumite ng mga kawani ng gobyerno.

Ipinaliwanag din ni Abanilla na dahil sa dami ng mga miyembro at pensioner ng GSIS sa buong bansa, maaaring magkaroon ng kaunting pagkaantala sa pagproseso at paglabas ng loan.

Bukas ang GSIS Emergency Loan Program mula Nobyembre 7, 2025 hanggang Pebrero 7, 2026. Maaaring mag-apply ang mga miyembro at pensioner sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app, sa opisyal na website ng GSIS, o sa pinakamalapit na GSIS branch.

Ang loan amount ay P20,000 para sa mga first-time borrower at hanggang 40,000 para sa may existing loan, kung saan ibabawas ang natitirang balanse sa kasalukuyang utang. Babayaran ito sa loob ng tatlong taon na may 6 percent interest per annum.