GSIS, SSS, NAGBUKAS NG EMERGENCY LOAN SA MGA MIYEMBRO AT PENSIONER
Nagbukas na ng emergency loan ang Government Service Insurance System o GSIS at Social Security System o SSS para sa mga pangangailangan ng kanilang mga miyembro at pensioner na apektado ng Bagyong Kristine.
Nauna nang binuksan ng GSIS ang nasabing pautang sa mga taga-Albay at Naga City at handa rin ang ahensiya sa iba pang mga lugar na magdedeklara ng state of calamity.
Sinabi ni GSIS President at General Manager Wick Veloso sa mga miyembro at pensioner na gamitin ang GSIS touch para mas ligtas at mas madaling magsumite ng mga loan application at insurance payment gayundin ang pag-access ng membership at pension records.
Makakautang ang mga miyembrong walang kasalukuyang binabayarang emergency loan ng hanggang P20,000 samantalang ang mga may balanse pa ay maaari pa ring magloan hanggang sa maging P40,000.
Para maging kuwalipikado sa pag-apply ng emergency loan, kailangang nagtratrabaho pa sila at hindi naka-leave without pay at walang pending na administrative o legal na mga kaso. Kailangan ding bayad ang kanilang anim na buwang premium at ang net take-home pay nila ay umaabot ng P5,000. Para sa mga pensioners, kailangang may kukubrahin pa rin silang 25% ng kanilang pensiyon kahit isama ang loan amortization.
Samantala, sa SSS, base sa pension fund, maaaring mag-apply ang SSS members ng loan kapag nakapaghulog ng kontribusyon sa loob ng 36 na buwan, kung saan ang 6 dito ay sa loob ng huling 12 buwan. Kung nais namang mag-avail ng 2 buwang salary loan, dapat na nakapaghulog ng 72 kontribusyon.
Ayon kay SSS Senior Vice President Pedro T. Baoy, bahagi ito ng proactive response upang matulungan ang mga nagigipit nitong miyembro at pensioner.
Binigyang diin ng SSS na tanging ang mga miyembro na hindi pa umaabot sa edad 65 at hindi pa nakakukuha ng final benefit tulad ng total disability o retirement ang papayagang umutang.
Para naman sa mga retiree-pensioners, maaaring mag-apply para sa SSS pension loan na katumbas ng 3 hanggang 12 beses ng kanilang basic monthly pension kabilang ang P1,000 na karagdagang benepisyo subalit hindi lalagpas sa maximum na P200,000. Maaaring isumite ang salary loan application online sa pamamagitan ng My.SSS Portal.

