GURO NA HIGIT 3 DEKADA NANG NAGTUTURO, NASAWI DAHIL UMANO SA SAMA NG LOOB SA PANG-IINSULTO NG PRINCIPAL
Nasawi ang isang guro na si Teacher Marjorie Boldo, na mahigit tatlong dekada nang nagtuturo dahil umano sa sobrang sama ng loob sa pang-iinsulto sa kanya ng kanilang principal sa Pantukan, Davao de Oro.
Ayon sa mga ulat at nagviral na social media post, nag-ugat ang galit ng principal nang may isang magulang ang direktang nagsumbong sa kanya dahil sa pagkakabagok ng ulo ng kanyang anak sa bangko dahil sa kalikutan na nagdulot ng pagdurugo nito.
Dahil dito ay pinagsabihan daw ng lalaking principal si Teacher Marjorie at ininsulto, kaya naman naglabas ito ng sama ng loob sa isang group chat kung saan sinabi niya na nagchecheck siya ng papel nang sumasayaw ang estudyante at tumama ang ulo sa upuan kaya ito nasugatan.
Dagdag pa dito ay sinabi umano ng guro na labis itong nasaktan sa mga natanggap na mga salita at tila nakwestyon daw ang kanyang tatlumpo’t isang taon sa serbisyo.
Bunsod ng pagdaramdam ay isinugod sa ospital ang guro at kalaunan ay binawian ng buhay.
Naglabas naman ng official statement ang Department of Education Davao de Oro Division na iimbestigahan ang pagkamatay ng guro at isang dayalogo ang isasagawa kung saan hihilingin na dumalo ang naturang principal.

