GURO, PATULOY ANG PAGLILINGKOD SA MGA MAG-AARAL NG MALAYONG PAARALAN SA SITIO SA GENERAL TINIO

Kakaibang lakas ng loob, dedikasyon at pagmamahal sa trabaho ang ipinamamalas ng isang guro sa Mapedya Elementary School na matatagpuan sa Rio Chico, General Tinio.

Bilang pagpupugay sa dedikasyon ng mga guro, ay nagtungo ang mga staff ng programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman sa pinakamalayong paraalan sa Nueva Ecija upang kilalanin ang mga guro na patuloy ang paglilingkod sa mga mag-aaral ng nasabing paaralan.

Ibinahagi ng guro na si Wishly Baliosan, labing-limang taon na siyang nagtuturo sa Mapedya Elementary School.

Kwento niya, sa loob ng 15 years ay matyaga niyang nilalakbay ang mga ilog at kabundukan sa loob ng anim na oras upang marating ang paaralan, at aminado siyang minsan ay sumasagi sa kanyang isipan na lumipat sa mas malapit na paaralan lalo na’t siya ay tubong Nueva Viscaya.

Ayon kay Teacher Wishly, marami siyang pangarap para sa kanyang mga estudyante kabilang na rito ang kagustuhan niyang makatapos ang mga ito sa kanilang pag-aaral, at nais niyang mayroong magpatuloy ng kanilang nasimulan.

Sa kasalukuyan, ay mayroon na aniya siyang dating estudyante na nakapagtapos bilang guro at kasalukuyang nag-aaral upang makapasa sa Licensure Examination for Teachers.

Umabot ng 15 years si Teacher Wishly sa Mapedya Elementary School, dahil katulad umano niyang Indigenous People ang mga bata, at nais niyang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga ito sa pamamagitan ng edukasyon.