GURO SA NUEVA ECIJA, INSPIRASYON SA KABILA NG MATINDING KARAMDAMAN; VIRAL ANG NAKAKAALIW NA PARAAN NG KANYANG PAGTUTURO

Isang guro mula sa Bardias Elementary School ang nag-viral sa social media matapos ibahagi ang kanyang natatanging paraan ng pagtuturo sa pamamagitan ng mga palaro, habang patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa kabila ng kanyang pakikipaglaban sa malubhang karamdaman.

Si Joseph Lozano, 29 anyos at pitong taon nang guro, ay adviser ng Grade 5 Marcos sa nasabing paaralan, kilala siya ngayon online matapos umabot sa mahigit kalahating milyong views at higit 3,000 reactions ang kanyang video kung saan makikitang masaya ang mga bata habang natututo ng asignaturang Pilipino sa pamamagitan ng mga laro.

Aniya, matagal na niyang ginagawa ang ganitong estilo ng pagtuturo ngunit ngayon lamang ito muling nabigyan ng pansin.

Madalas din siyang magbigay ng meryenda bilang premyo upang matulungan ang mga estudyanteng walang baon, ngunit higit sa kanyang dedikasyon bilang guro, kapuri-puri ang kanyang lakas ng loob.

Limang taon at kalahati na siyang sumasailalim sa dialysis matapos ma-diagnose na may chronic kidney disease stage 5 bunsod ng hypertension. Dalawang beses kada linggo siyang dumaraan sa gamutan—tuwing Martes at Biyernes ng gabi—ngunit hindi nito hinahadlangan ang kanyang pagsisilbi sa mga mag-aaral.

Aminado siyang nahirapan noong una na tanggapin ang kanyang kondisyon, lalo na’t siya ang bunso sa apat na magkakapatid.

Subalit sa kabila ng panghihina, pananakit ng buto, at pagbaba ng hemoglobin, hindi niya iniisip ang sarili kundi ang kapakanan ng kanyang mga estudyante.

Sa viral video, may ilang netizens ang pumuna sa maling sagot ng kanyang mga estudyante, ngunit ayon kay Lozano, bahagi ng tungkulin ng mga guro ang pagtutuwid at pagtuturo sa mga bata.

Bukod sa patuloy na gamutan, isa sa mga solusyon sa kanyang sakit ay ang kidney transplant. Kaya’t nananawagan siya ng tulong sa sinumang maaaring maging donor o nais magpaabot ng pinansyal na suporta.

Maaari siyang kontakin sa numerong 0912-857-5435 o magpadala ng tulong sa kanyang GCash account na 0905-693-5469.

Mensahe niya sa mga mag-aaral na opagpatuloy lang nila ang kanilang pag-aaral at galingan lalo sa school, palagi lamang aniya siyang nariyan para sa kanila.