Ibinahagi ng mga guro ng Pindangan Indigenous People Elementary School sa bayan ng Gabaldon ang kanilang mga karanasan at hamon sa pagtuturo sa isang liblib na komunidad sa kabundukan ng Pindangan, sa programang Count Your Blessing ni dating Governor at Congresswoman Czarina “Cherry” D. Umali.

Ayon kay Teacher Liezel Elvena, isa sa mga gurong nagtuturo sa paaralan, patuloy nilang hinaharap ang hirap sa biyahe at kakulangan sa pasilidad upang maihatid ang edukasyon sa mga batang katutubo sa lugar. Binuksan ang paaralan noong 2018 sa isang sitio sa kabundukan, kung saan sa mga unang taon ay iisang guro lamang ang nagturo.

Sa tulong ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Jobby Emata, nailipat kalaunan ang paaralan sa mas mababang lugar upang mabawasan ang hirap ng paglalakbay ng mga guro. Bago ito mailipat, inaabot umano ng apat hanggang limang oras ang lakaran patungo sa eskwelahan.

Sa kasalukuyan, may 33 mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6 sa paaralan, kabilang ang mga Alternative Learning System o ALS learners at dalawang high school students. Sa kabuuan, may 41 learners ang Pindangan IP Elementary School, na pawang kabilang sa tribu ng Domaguet Cabolon.

Ibinahagi rin ni Teacher Liezel na isa sa mga pangunahing hamon sa kanilang pagtuturo ang limitadong pasilidad at ang hirap ng biyahe. Gayunman, sinabi niya na nananatili ang kanilang sigla sa pagtuturo dahil sa kagustuhan ng mga mag-aaral na matuto.

Dagdag pa niya, nagsisilbing inspirasyon sa mga guro ang mga dating mag-aaral na nagtagumpay sa kanilang pag-aaral, kabilang ang isang scholar ng programa ni Congresswoman Umali na nakatapos at nagkaroon ng mas maayos na kabuhayan.

Bilang mensahe sa kanilang mga mag-aaral, hinikayat ni Teacher Liezel ang mga learners na patuloy na mangarap at magsikap sa kabila ng mga hamon na kanilang kinakaharap.