HACIENDA TRIALA
Samahan nyo kaming bisitahin ang mansion ni Col. Casimiro “Kapitan Berong” Tinio dito sa Brgy. Triala, Guimba, Nueva Ecija.
Si Kapitan Berong ay nagsilbi sa Brigada Tinio noong Philippine revolution. Nagkaroon ng dalawang anak si Kapitan Berong na sina Doña Trinidad “TRINING” Tinio at Doña Macaria “ALA” Tinio kung saan dito nabuo ang “Hacienda Triala” o Bario Triala dahil sa pinagsamang pangalan ng dalawa nitong anak. Sya rin ang nagmamay ari ng isa sa pinakamalaking Hacienda sa buong Pilipinas. At noong 1960’s ito’y opisyal ng tinawag na Brgy. Triala.
Sa gitna ng Guimba, Nueva Ecija kung saan nakatayo ang Triala Mansion. Itinayo ito noong panahon ng commonwealth period noong 1935.
Aming kinapanayam si Guimba Tourism Officer Rhea Leyva-Santos upang malaman ang detalye ng kasaysayan ng Barangay Triala at mansion ni Kapitan Berong na naging himpilan ng mga katipunero noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol.
Kwento ni Ma’am Rhea Santos, naging lugar ng pulungan ng mga katipunero ang Triala mansion kung saan sila nagpupulong.
Marahil sa mansion na ito nabuo ang kanilang plano kung paano nilabanan at naipanalo ng mga katipunerong Novo Ecijano, ang pinaka unang tawag ng rebolusyon laban sa mga mananakop na Espanyol sa Gitnang Luzon, noong Setyembre dos hanggang asingko, 1896 na ipinagdiriwang natin bilang Unang Sigaw ng Nueva Ecija, kaya nasa walong sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas ang ating lalawigan.
Pinamunuan ito ng tatlong mga heneral na tinaguriang mga ‘Ama ng Sigaw ng Nueva Ecija’ na sina Pantaleon Valmonte, Mariano Llanera, at ang pinakabatang heneral ng himagsikan, at dating gobernador ng lalawigan Manuel Tinio na kapatid ni Kapitan Berong Tinio.
Ayon sa isinulat na artikel ni Martin I. Tinio Jr. na pinamagatang “The Undying Romance of Hacienda Triala”, ito ay may lawak na 40 hectares. Ang anak ni Juan Luna na si Andres Luna Y. San Pedro ang syang nagdisenyo sa mansion na ito.
Matapos umanong magawa ang Mansion, bawat kwarto nito ay maririnig mong may malakas na musikang pangsayaw dahil sa kasiyahang nagaganap na party. Matataas na tao ang mga dumadalo tulad ng government official at mga member ng American Insular Government para manatili sa mansion, na galing pang Baguio o ibang bahagi ng Northern Luzon, dahil sa natatamasa nilang magandang pagtanggap at mabuting pakikitungo dito. Daan daang tao rin ang nanirahan sa Mansion na nabigyan ng trabaho. at dito na nga nag umpisa ang Golden years ng Brgy. Triala.
Taong 1985 naman ng mag shooting dito ang Lola Basyang na pinagbidahan nina Maricel Soriano, William Martinez, at Manilyn Reynes na halos ang kabuuan ng pelikula ay dito kinuha.
Sa pagpasok sa mansion, ang una mong makikita dito ay ang portrait ni Doña Trinidad. Sya ay hindi biniyayaan ng anak kaya’t lahat ng kanyang pagmamahal ay ibinuhos nya sa kanilang Mansion.
Wala naman daw plano ang bagong may ari ng mansion na mag-asawang sina Ginoong Benjamin at Angel Domingo na buwagin ito, bagkus ay ipapa renovate ito para maayos ang mga sira ng mansion.
Ang Triala Mansion ay mananatiling simbolo ng ating nakaraan hindi lamang bilang isang istruktura kundi bilang isang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan at kultura.
Hangga’t nakatayo ang Mansion ay patuloy na mabubuhay ang kwento nito na alalaala ng ating mga magigiting na mga bayaning katipunero na nagbibigay inspirasyon sa ating henerasyon at sa mga susunod na lahing Novo Ecijano.

