‘HALAL TOWN’ SA MAYNILA, PAGPAPAHALAGA SA KULTURA NG MGA MUSLIM

Sa layuning mas mabigyang pagpapahalaga ang komunidad ng mga Muslim sa Maynila, isinusulong ngayon ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagtatatag ng kauna-unahang “Halal Town” sa lungsod.

Layunin nitong magbigay ng espasyo para sa halal na pagkain, negosyo ng mga Muslim, at pagpapakita ng kulturang Islam sa publiko.

Inanunsyo ito ni Mayor Isko matapos ang naging pulong nila ni National Commission on Muslim Filipinos o NCMF-NCR Regional Director Dimapuno Datu Ramos Jr. noong August 29, 2025.

Ayon sa alkalde, tulad ng Chinatown at Koreatown sa Maynila, ang Halal Town ay magiging lugar kung saan makikilala at mapapahalagahan ang pagkain, negosyo, at kultura ng mga Muslim.

Plano rin ni Mayor Isko na magkaroon ng sertipikasyon o opisyal na pagkilala sa mga kainan na naghahain ng halal food, upang masigurong malinis, tunay, at sumusunod sa paniniwala ng Islam ang mga pagkaing inihahain.

Dagdag pa ni Mayor Isko, mahalaga na pantay-pantay ang lahat ng tao sa Maynila, anuman ang kanilang relihiyon o pinanggalingan.

Maliban sa Halal Town, ilan sa mga naunang proyekto para sa Muslim community sa Maynila ay ang Islamic Cemetery, at ang Muslim Consultative Council, kung saan mayroon silang representative upang marinig ang boses ng mga Muslim sa mga isyu at proyekto ng pamahalaan.