HALOS 5-M BOTANTE, NATANGGAL SA VOTER’S LIST NG COMELEC, HINIKAYAT NA MAGPA-REACTIVATE PARA MAKABOTO SA 2025 ELECTIONS

Hinikayat ng Commission on Elections ang mga naalis na pangalan sa voter’s list na muling magpa-reactivate upang makaboto sa 2025 Midterm Election.

Base sa datos ng COMELEC, umabot sa 4,903,415 ang deactivated voters kung saan 4,898,744 ay bigong makaboto ng dalawang magkasunod na eleksiyon.

Habang nasa 1,003 naman ang botante na natanggal sa listahan dahil hindi ma-validate ang rekord ng mga ito habang nasa 3,663 naman ang na-deactivate sa ilalim ng kategoryang “Excluded per Court Order”.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang halos limang milyong nawala sa listahan ay maaaring mag-reactivate ng kanilang status sa poll body sa pamamagitan ng online ng komisyon.

Bisitahin lamang ang kanilang website at i-download ang Voter’s Registration Form o CEF-1 para sagutan ang mga hinihiling na impormasyon tulad ng iyong active e-mail address at contact number. I-scan ang CEF-1 form at valid ID at isumite ito sa official e-mail address ng Office of the Election Officer sa inyong lugar na makikita sa www.comelec.gov.ph. Ang OEO ay patuloy na tatanggap ng aplikasyon hanggang September 7, 2024.

Pinaalala ng COMELEC na maari lamang i-avail ang Online Filing ng Application for reactivation kung kumpleto ang iyong biometrics sa opisina ng election Officer sa inyong lugar. Kung hindi kumpleto ang biometrics, kailangang personal na magfile ng application sa OEO o Satellite/mall registration sites.

Inihayag din ni Garcia na maaari ring pumunta sa mga pinakamalapit na Local Election Offices upang muling magpatala. Dagdag pa ng opisyal, hanggang September 30 na lamang ang deadline ng pagpaparehistro mula Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa alinmang tanggapan ng Comelec sa buong bansa.