HALOS 6,000 VIOLATIONS, NAITALA SA KATATAPOS NA 2025 NATIONAL AND LOCAL ELECTIONS
Nakapagtala ng mahigit 6,064 election violations ang independent poll watchers na VoteReportPH ng Computer Professionals’ Union.
Ayon sa Final Report ng VoteReportPH as of 12:00PM kahapon, May 13, 2025, 1,593 sa kabuuang ito ay verified reports na. Nangunguna naman sa listahan nila ay ang mga sira sa Automated Counting Machines of ACM na mayroong kabuuang 3,037 reports na umuukupa ng 50.09% ng kabuuang reklamo.
Pumapangalawa dito naman ay ang illegal campaigning na mayroong 12.55%, at ang disenfranchisement o hindi pagpayag na bumoto ng isang botante na may 9.04%. Hindi rin nakaligtas ang Vote buying, election violence at harassment, at mga tampered ballots sa mata ng mga electoral watchers na bumubuo may pinagsamang 9.04% ng mga insidente. Samantala, nakaaalarma rin na nakatanggap ng 205 (3.39%) na kaso ng red tagging sa mga voter’s precinct sa Pilipinas.
Kaugnay nito, ilang video rin ang sumiwalat sa social media sa umano’y tahasang paglabag ng mga election omnibus code ng Pilipinas. Ilan nga sa mga paglabag na ito ay ang open firing sa mga presinto, pagtulong ng mga poll watchers na magshade ng mga balota, o ‘di kaya nama’y mga kaso na iisang tao lang mismo ang nagsheshade ng maraming balota.
Batay rin sa heat map na inilabas ng Vote Report PH, nanguna sa mga violation hotspot ay ang Quezon City (139), Marikina City (88), Manila City (84), Baguio City (61), Davao City (47), at Antipolo City (29). Ang mga datos na ito ay mula sa 229 cities at municipalities sa buong Pilipinas.
Dahil rin sa mga ACM errors at ibang mga paglabag na ito, nagprotesta kahapon, May 13, 2025, ang Kabataan Partylist kung saan kanilang isinigaw na magsagawa ng manual counting upang masiguro ang katiyakan ng resulta ng katatapos na halalan.

