HALOS 9 MILYONG PILIPINO, NAAPEKTUHAN NG BAGYONG TINO AT UWAN — NDRRMC

Pumalo na sa halos siyam na milyong indibidwal ang naapektuhan ng magkakasunod na pananalasa ng Bagyong Tino at Uwan, batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa datos, umabot sa 4,263,991 indibidwal o 1,224,877 pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Tino sa 7,918 barangay sa siyam na rehiyon ng bansa. Samantala, 4,678,142 indibidwal o 1,332,223 pamilya naman ang tinamaan ng Bagyong Uwan sa 11,661 barangay sa 16 rehiyon.
Sa kabuuan, 8,942,133 indibidwal, o halos siyam na milyon, ang naging apektado ng dalawang bagyo.

Kaugnay nito, iniulat ng NDRRMC na 2,311,340 indibidwal o 669,725 pamilya ang naitalang nawalan ng tirahan dahil sa matinding pinsalang dulot ng Tino at Uwan.

Marami sa mga evacuees ang nananatili sa iba’t ibang evacuation centers, habang ang iba ay pansamantalang tumutuloy sa kani-kanilang kaanak.

Umakyat na sa 259 ang kabuuang bilang ng mga nasawi. Sa naturang bilang, 232 ang nasawi dahil sa Bagyong Tino, karamihan sa mga ito ay mula sa Cebu, habang 27 naman ang nasawi dahil sa Bagyong Uwan, karamihan ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR). Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang ilang iniulat na kaso.

Samantala, iniulat ng National Electrification Administration (NEA) na nasa 1,707,435 katao ang naapektuhan ng malawakang pagkawala ng kuryente matapos ang patuloy na power shutdown sa CASURECO IV sa Camarines Sur at MOPRECO sa Mountain Province. Dahil dito, maraming bahagi ng Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at Eastern Visayas ang nakaranas ng power interruption.

Patuloy namang nagsasagawa ng restoration works ang mahigit 200 personnel mula sa Task Force Kapatid.

Sa Nueva Ecija, isa sa mga probinsyang matinding tinamaan ng Bagyong Uwan, umabot na sa mahigit 33,000 pamilya ang naitalang apektado as of November 13. Katumbas ito ng mahigit 119,000 indibidwal, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Patuloy na mino-monitor ng PDRRMO, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ang mga pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng bagyo upang matiyak na agad silang mabigyan ng kinakailangang tulong.

Nagpapatuloy ang relief operations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense (OCD), mga lokal na pamahalaan at iba pang humanitarian organizations upang maihatid ang food packs, inuming tubig, hygiene kits at iba pang pangunahing tulong sa mga lugar na malubhang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.