HALOS P300-BILLION PONDO, ITINAAS NG KAMARA PARA SA SOCIAL SERVICES AT IBA PANG PROGRAMA NG GOBYERNO SA 2025

Para mapaigting pa ang pagtulong ng gobyerno sa ating mga kababayan, dinagdagan ng Kamara de Representantes ang nakalaang panukalang pondo para sa social services at iba pang programa sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill.

Sinabi ni House Committee on Appropriations chairperson Elizaldy Co na ito ang napagpasyahan ng House Small Committee na siyang inatasan ng mababang kapulungan na magsaayos ng individual at institutional ammendments sa bersyon ng Kamara ng panukalang pondo.

Nagkakahalaga ng P292.23 billion ang inilaan ng mga kongresista para matulungan ang mga vulnerable sectors tulad ng estudyante, magsasaka, mangingisda, sundalo at mga lumagpas lang ng konti sa poverty threshold.

Ang mahigit P200 billion ay bukod pa sa P591.8 billion na itinabi ng Department of Budget and Management para sa cash assistance program ng pamahalaan.

Kabilang sa pagtaas ang dagdag na P39.8 billion para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations ng Department of Social Welfare and Development upang matulungan ang mga mahihirap.

Nagbigay din ng kaparehong halaga para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP habang ang Sustainable Livelihood Program para sa low-income families ay pinaglaanan din ng Kamara ng P3.4 biilion.

Ilan pa sa mga nagkaroon ng umento sa pondo ay ang TUPAD ng DOLE, mga proyektong pang-agrikultura at pang-kalusugan ng pamahalaan.

Maging ang pagtatayo ng mga bagong gusali at pasilidad sa paaralan sa ilalim ng DepEd ay binigyan din ng dagdag alokasyon ng mababang kapulungan.

At bilang pagsuporta ng Kamara sa sandatahang lakas sa kanilang pagbabantay sa West Philippine Sea ay pinagkalooban din ang Armed Forces of the Philippines ng P8.44 billion para sa Daily Subsistence Allowance at sa pagkumpleto ng Airport Expansion sa PAGASA Island at Shelter Port sa Palawan.

Ang dagdag pondong ito ay para masuportahan ang mga Pilipinong nangangailangan at naniniwalang sa pamamagitan ng mga livelihood programs ng pamahalaan ay masusugpo umano ang kahirapan.