HAMON NI PBBM SA MGA ABOGADO, PROTEKTAHAN ANG DIGNIDAD NG SANGKATAUHAN LABAN SA CYBERCRIME, DATA PRIVACY AT AI

Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga abogado na protektahan ang dignidad ng tao sa harap ng tumitinding hamon mula sa digital age, kabilang ang cybercrime, mga isyu sa data privacy, at artificial intelligence (AI).

Sinabi ng Pangulo sa ginanap na 20th National Convention of Lawyers of the Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Cebu City na ang paglitaw ng mga naturang isyu, at ang etikal na paggamit ng artificial intelligence ay nagpapakita ng technical dilemmas at mga problemang moral.

Binigyang diin niya na ang pagpapatibay ng Code of Professional Responsibility and Accountability ay kumakatawan sa makabuluhang hakbang pasulong sa pagtiyak ng pinakamataas na pamantayang etikal na gumagabay sa bawat miyembro ng legal na komunidad.

Kaya dapat aniyang tiyakin na ang Kodigong ito ang magiging pinakapundasyon kung paano namumuhay at gumaganap sa kanilang tungkulin ang ating mga abogado.

Mahalagang papel din aniya ang ginagampanan ng legal na propesyon sa paghubog at pagpapatupad ng environmental policies upang pangalagaan ang ating mundo laban sa climate crisis na banta sa mga susunod na henerasyon.

Paliwanag ng Pangulo na sa pagpapalakas ng legal na propesyon ay nangangailangan ng higit pa sa pagtugon sa mga krisis, kundi dapat na palakasin ang mga pundasyon ng larangan, sa pamamagitan ng edukasyon at patuloy na pag-aaral.

Kaya kailangan ng mga law school na umangkop sa nagbabagong legal na propesyon sa pamamagitan ng pag-update ng kurikulum, pagsasama ng mga umuusbong na larangan, at pagbabalanse ng legal na teorya sa praktikal na aplikasyon.

Nakapagtatag na aniya ng pundasyon ang Revised Model Curriculum for the Basic Law Program sa pamamagitan ng pagsasama ng Human Rights Law at International Law sa legal na edukasyon.

Kaya ang kaniyang hamon ay tiyakin na ang mga prinsipyong ito ay hindi nakakulong lang sa mga pahina ng mga aklat-aralin o mga bulwagan ng mga silid ng hukuman, kundi dapat ay isinasabuhay ng na may gabay ng Konstitusyon at ng kabutihang asal.