“HANGING” CLASSROOM, NAKIKITANG SOLUSYON SA LUBOG NA MGA PAARALAN SA MASANTOL, PAMPANGA

Tuwing may malakas na pag-ulan, isa sa mga sektor na lubos na naaapektuhan ay ang edukasyon, lalo na sa Masantol, Pampanga, na karamihan sa mga public schools ay lumulubog tuwing may bagyo o pagbaha.

Dahil dito, sa pamamagitan ng Facebook post ay nanawagan si Masantol Mayor Dan Guintu sa Department of Education (DepEd) para sa pondo sa pagtatayo ng “hanging” o elevated classrooms bilang solusyon sa matinding pagbaha sa kanilang bayan.

Ayon kay Guintu, lahat ng 26 schools sa Masantol ay nakararanas ng pagbaha, na nagdudulot ng madalas na class suspension at pagkaantala sa pag-aaral ng mga estudyante.

Iminungkahi ng alkalde ang isang disenyo kung saan bukas ang unang palapag ng building upang malayang dumaan ang baha, habang sa second at third floor naman ilalagay ang mga classrooms para masigurong tuloy-tuloy ang pagkatuto ng mga estudyante kahit mataas ang tubig.

Giit ng alkalde, malaking tulong ang mga elevated classrooms upang magkaroon ng ligtas, matibay, at pangmatagalang school buildings sa Masantol, lalo na tuwing tag-ulan.