HELLO MEOW CAFE, LAYUNIN NA MAKATULONG SA MGA STRAY CATS
Pagsasalba sa mga stray cats ang pangunahing layunin ng isang cafe owner at Animal Kingdom Foundation volunteer na si Jello Reyes mula sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ibinahagi niya ang kanyang mga karanasan bilang isang business owner at volunteer sa programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman.
Ayon kay Jello, ang kinikita niya sa kanyang café na may pangalang “Hello Meow Café” ay inilalaan niya sa mga pangangailangan ng mga alagang pusa.
Marami rin umano ang nagbibigay ng donasyon dahil labis na ikinakatuwa ang adbokasiya ng Hello Meow Cafe na hindi lang isang negosyo, kundi isa ring charity cat campaign.
Kwento ni Jello, marami ang gusto magpaampon ng mga pusa ngunit sa kadahilanang hindi aniya kayang ampunin lahat, ay binigyang prayoridad na lang niya ang mga pusa na mayroong medical condition.
Dagdag pa nito, open for adoption din ang mga rescued na pusa, ngunit mayroong proseso na kailangan gawin katulad ng interview at training upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga ito.
Karamihan umano sa mga rescued stray cats ay may mga karamdaman gaya ng skin problems, injured, may rabies, bulag at kapag panahon ng tag-lamig ay mayroon ding sipon.
Samantala, paliwanag ng Veterinary na si Dr. Mark Arman Aquino mayroong programa ang Provincial Veterinary Office na campaign on rabies vaccination, dahil ang rabies umano ang pinakamalaking hamon sa maliliit na hayop katulad ng pusa.

