HIGIT 2,700 PAMILYA SA STO. DOMINGO, NUEVA ECIJA, TUMANGGAP NG LIBRENG BIGAS MULA SA PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Nag-uumapaw ang kasiyahan ng mahigit 2,700 na pamilya mula sa mga Barangay ng Dolores, Hulo, at Sagaba sa Sto. Domingo dahil sa natanggap na libreng tig-25 kilong sako ng bigas mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Bago ang distribusyon sa Barangay Dolores, pinasinayaan muna ang bagong two-storey Multi-Purpose Building ng barangay, na proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Governor Aurelio at Vice Governor Lemon Umali.
Kahit hindi na panahon ng eleksyon ay tuluy-tuloy pa rin ang pag-iikot ng kapitolyo upang magpamahagi ng libreng bigas sa bawat pamilyang Novo Ecijano na ipinagpapasalamat ni Kapitan Jose Bestante ng Barangay Dolores.
Malaki aniya ang tulong ng bigas mula sa kapitolyo lalo na sa kanilang lugar dahil napakaliit umano ng inani ng mga magsasaka sa kanilang lugar bukod pa sa napakamura ng presyo ng palay.

