Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng 3,184 na mga e-title at Certificates of Land Ownership Award sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa probinsya ng Agusan del Sur nitong nakaraang February 16.
Ito ay sa ilalim ng bagong batas na New Agrarian Emancipation Act o RA 11953 na layuning makatulong sa mga magsasaka na may Emancipation Patents (EP) o CLOA) na may utang tulad ng unpaid amortization, interests at surcharges sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Batay sa nasabing batas, sa pamamagitan ng pagbura ng utang ng mga ARB, ay magkakaroon ang mga magsasaka ng bagong panimula at oportunidad upang mapalago ang kanilang kabuhayan.
Ang New Agrarian Emancipation Act din ang magsisilbing hakbang ng pamahalaan upang suportahan at maiangat ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Ngunit, bago mabura ang utang ng mga benepisyaryo, ay kinakailangan munang maberipika ang mga impormasyon ng kanilang mga titulo, at mabigyan sila ng Certificate of Condonation mula sa DAR Central Office.
Samantala, aabot naman sa 14K ang mga benepisyaryo mula sa Nueva Ecija ang makikinabang sa nasabing bagong batas.
Kaya naman panawagan ni Provincial Agrarian Reform Officer II Eden Ponio, makipag-ugnayan na ang mga magsasakang benepisyaryo sa mga nakatalagang Condonation Response Desk officers na matatagpuan sa Cabanatuan City, Science City of Muñoz, Talavera, Quezon, Gen. Tinio, Rizal, Jaen at Cuyapo.

