HIGIT 600 NOVO ECIJANOS, NAPADALI ANG PAGKUHA NG PASSPORT
Sa pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio M. Umali at Vice Governor Emmanuel Antonio M. Umali, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), ay matagumpay na inilunsad ang Passport on Wheels sa tanggapan ng Provincial Public Employment Service Office (PESO) sa Old Capitol Compound, Cabanatuan City.
Ayon sa team leader ng Passport on Wheels na si Henry Jimenez, layunin ng programa na gawing mas madali at abot-kamay ang pagkuha ng passport para sa mga Novo Ecijano.
Saad din ni PESO Provincial Head Maria Luisa Pangilinan, inaasahang makakatulong ang Passport on Wheels sa pangangailangan ng mga residente, lalo na ng mga nasa malalayong lugar, na magkaroon ng passport nang hindi na kinakailangang magtungo sa mga tanggapan ng DFA sa Metro Manila o kalapit na probinsya.
Dagdag pa niya, mapalad ang lalawigan dahil sa dami ng humihiling sa DFA na magkaroon ng passport on wheels ay isa ang Nueva Ecija sa napagkalooban ng 643 slots.
Ang inisyatibang ito ay bahagi umano ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan upang mapabuti ang serbisyo publiko sa Nueva Ecija.
Nagpaabot naman ng pasasalamat sa DFA at Kapitolyo ang mga benepisyaryo dahil malaking tipid sa gastos at oras ang programang inihatid nito.

