HIGIT 720 SCHOLARS, TUMANGGAP NG ASSISTANCE MULA SA KAPITOLYO

Umapaw ang kasiyahan ng pitong daan dalawampu at anim (726) na mag-aaral matapos tanggapin ang tulong pinansiyal mula sa scholarship assistance program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija para first semester ng school year 2024-2025.

Pinangunahan ng Provincial Treasurer’s Office (PTO) at Provincial Affairs & Monitoring Office (PAMO) ang isinagawang stipend distribution o pamamahagi ng tulong sa mga mag-aaral mula sa apat (4) na bayan at dalawang (2) lungsod sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Binubuo ito ng 46 estudyante mula sa lungsod ng San Jose; 61 sa Carranglan; 29 sa Lupao; 40 sa lungsod ng Muñoz; 182 mula naman sa bayan ng Rizal at 368 mag-aaral, mula naman sa bayan ng Santa Rosa.

Isa si Anna Marie Juan, nanay ng scholar sa mga masayang nagpasalamat sa programang ito ng kapitolyo sa pamumuno nina Governor Aurelio at Vice Governor Anthony Umali dahil malaking bawas ito sa gastusin sa pag-aaral ng kanyang anak.

Malaking bagay naman para kay Claudine Alvarez, ang mapasama sa mga iskolar ng kapitolyo dahil hindi lamang aniya silang mga estudyante ang natutulungan nito, kundi napagagaan pa nito ang mga iniintinding bayarin ng kaniyang mga magulang.

Nagpasalamat din si Riona Trinidad dahil sa tuloy-tuloy nitong scholarship na nag umpisa noong siya ay first year college pa lamang, ar hanggang ngayon na isang taon na lamang ay magtatapos na siya ng pag-aaral.