Muli umanong pinagtibay ng Philippine National Police (PNP) ang matatag na pangako sa integridad at pananagutan.
Kasunod ng pinakahuling ulat sa mga nalutas na kasong administratibo sa ilalim ng Internal Disciplinary Mechanism na bahagi ng Integrity Monitoring sa PNP Focus Agenda ng organisasyon.
Mula July 2016 hanggang November 26, 2025, iniulat ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na 32,698 na pulis ang napatunayang nagkasala sa iba’t ibang kasong administratibo.
Patunay umano sa patuloy na pagsisikap ng PNP na panatilihin ang mataas na pamantayan ng propesyonalismo sa serbisyo.
Base sa report ng PNP, sa kabuuang bilang, 9,027 personnel ang tuluyang inalis sa serbisyo.
1,725 pulis naman ang ibinaba ang ranggo, habang 15,311 ang sinuspinde matapos sumailalim sa due process.
Bukod pa rito, 1,221 personnel ang pinatawan ng forfeiture of salary, 4,355 ang binigyan ng reprimand, 528 ang nakatanggap ng restriction, at 531 personnel ang pinagkaitan ng ilang pribilehiyo bilang bahagi ng mga kaukulang parusang administratibo.
1,037 sa mga tinanggal sa serbisyo ay sangkot umano sa mga kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga o nagpositibo sa drug test—na kampanya ng PNP laban sa mga “rogue cops” at sa ilegal na droga, sa komunidad man o sa loob mismo ng institusyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa kanyang unang 92 araw, iniulat na 1,339 kasong administratibo na may kinalaman sa 2,308 personnel ang nalutas.
Sa bilang na ito, 428 personnel ang tinanggal sa serbisyo, 71 ang ibinaba ang ranggo, at 448 ang sinuspinde, habang ang iba ay pinatawan ng iba’t ibang parusa.
Kasabay nito, 1,152 kaso naman ang nagresulta sa dismissal o exoneration.

