Bahagi ng tradisyon sa kasal ang “money dance” o pagsasabit ng pera habang nagsasayaw ang bagong kasal, bilang simbolo ng magandang simula ng kanilang buhay mag-asawa.

Sa Civil Wedding ng magkasintahang Novo Ecijano na sina Joana Joyce Joson at John Arvin Bondoc, na ginanap sa Quezon Municipal Hall, ay sabay-sabay tayong mapasana all.

Ang pera kasi na ginawang kapa na isinabit sa bagong kasal sa kanilang “money dance” ay umabot ng kalahating milyong piso.

Sa video post ni Aireen Domingo, tiyahin ng bride, ay makikita ang tig-iisang libong pisong kapa ng pera na umabot na sa sahig, na regalo mula sa magulang ng groom.

Aabot din sa Php100K ang isinabit ng mga magulang ng bride sa kanila maliban pa sa mga isinabit ng mga ninong, ninang, mga kamag-anak at bisitang dumalo.

Kaya naman kinabukasan matapos ang kasal ay kumuha na sila ng sanglang lupang sakahan sa Bertese, Quezon, gamit ang mga perang ito.

Ang dalawa ay ikinasal ngayong buwan ng Abril matapos ang kanilang pitong taong relasyon bilang magkasintahan.