HIGIT P1-TRILLION, NALUSTAY UMANO DAHIL SA FLOOD CONTROL CORRUPTION
Higit isang trilyong piso ang posibleng nalustay ng gobyerno sa loob lamang ng dalawang taon dahil umano sa matinding korapsyon sa mga flood control projects.
Ito ang ibinunyag ng environmental group na Greenpeace Philippines na nagbabala sa mas mabigat pang epekto nito sa mamamayan.
Batay sa datos mula sa National Integrated Climate Change Database and Information Exchange System mula 2023 hanggang 2025 ay umabot na sa P1.089 trilyon ang pondong possible umanong nawaldas.
Ngayong 2025 lamang, tinatayang P560 bilyon ang nawala mula sa halos P800 bilyong hawak ng Department of Public Works and Highways o DPWH. Sa flood control projects, sa P248 bilyong pondo, halos P173 bilyon umano ang napunta sa mga ghost projects, mga proyektong binayaran pero hindi naman naipatayo.
Sinabi ni Greenpeace campaigner Jefferson Chua, higit pa sa pera ang nawala. “Para itong climate crime. Hindi lang kaban ng bayan ang ninanakaw, kundi pati ang kakayahan ng mga Pilipino na makaligtas sa matitinding baha at sa krisis ng klima.”
Kamakailan, naranasan sa Quezon City ang biglaang pagbaha matapos ang napakalakas na buhos ng ulan, mas malakas pa kaysa sa Typhoon Ondoy noong 2009. Maraming residente ang na-stranded, nawalan ng kabuhayan, at napilitang lumikas.
Para sa Greenpeace, malinaw itong patunay na bigo ang mga flood control projects na protektahan ang mga mamamayan, at sa halip ay nagsilbing gatasan ng ilang tiwaling opisyal at kontratista.
Dagdag pa ng grupo, kahit halos P2 trilyon na ang nailaan ng pamahalaan para sa disaster risk reduction mula 2015 hanggang 2022, nananatiling kulang ang pondo para sa climate adaptation dahil sa patuloy na katiwalian.
Nanawagan ang Greenpeace na panagutin ang lahat ng sangkot sa anomalya at itigil ang labis na pagdepende sa malalaking imprastruktura na nagiging pugad ng korapsyon.
Sa halip, iginiit ng grupo ang mga alternatibong solusyon na mas ligtas at mas makakalikasan, kabilang ang:
- pangangalaga sa mga watershed,
- pagpigil sa reklamasyon, at
- pagtigil sa mapaminsalang pagmimina.

